Tiktok, banned ulit sa Pakistan

by Erika Endraca | March 13, 2021 (Saturday) | 7548
Photo Courtesy: CNBC

Ipinagutos ng kataas-taasang hukuman sa syudad ng Peshawar sa Pakistan na muling i-ban ng Pakistan Telecom Authority (PTA) ang social media application na TikTok sa buong bansa matapos itong makatanggap ng ilang reklamo na umano’y immoral at hindi angkop na mga content sa relihiyong Islam.

Matapos na magsagawa ng pagdulog ang Peshawar High Court sa pangunguna ni Chief Justice Qaiser Rashid Khan at matapos ang diskusyon ukol dito, inilarawan ng Chief Justice  ang Tiktok na “hindi katanggap-tanggap” sa pamayanang Pakistani.

Susundin naman ng PTA ang nasabing court order sa pagbabawal ng TikTok sa buong bansa ayon sa tapagsalita nito na si Khurram Mehran.

Ayon naman sa pangasiwaan ng TikTok, may mga “guidelines” umano ang app na nagpi-filter at nagmo-monitor sa mga video content nito.

Ito na ang pangalawang beses na ma-ban ang nasabing social media app sa bansa.

Nitong October ng nakaraang taon, na-ban din ng PTA ang TikTok dahil sa parehong dahilan pero makalipas ang sampung araw ay tinanggal naman agad ng PTA ito at siniguro ng management ng Tiktok na i-block ang mga mga account na mapapatunayang may mga malalaswa at imoral na mga content.

Sa ngayon ay nakaban na rin sa bansang India at sa Estados Unidos ang TikTok.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: ,