Tigil pasada upang tutulan ang pag phase out sa mga lumang jeep inihahanda ng mga transport group

by Radyo La Verdad | November 11, 2015 (Wednesday) | 2948

PISTON
Kung hindi pagbibigyan ng pamahalaan ang kahilingan ng ilang transport group na huwag i-phase out ang mga lumang jeep magsasagawa ng malawakang tigil pasada ang mga ito sa susunod na buwan.

Sa ngayon ay serye ng mga kilos protesta ang ginagawa ng mga transport group upang tutulan ang pag-aalis sa mga lansangan ng mga lumang pampasaherong jeep na may edad labinlimang taon pataas.

Ayon sa Grupong Piston, nanganganib na mawalan ng hanap buhay ang libo libong mga jeepney driver kapag ipinatupad na sa susunod na taon ang modernization program ng pamahalaan.

Papalitan ang mga lumang jeepney ng mga bago at modernong sasakyan gaya ng electric jeep at euro 4 compliant na umaalinsunod sa clean air act ng department of environment and natural resources.

Subalit ayon sa Grupong Piston, mga malalaking grupo lamang ang makikinabang dito at siguradong kawawa ang mga mahihirap na mga jeepney driver.

Nakahanda naman ang pamahalaan na magbigay ng tulong pinansyal upang hindi maapektuhan ang kabuhayan ng libo libong jeepney driver.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory wala pang utos mula sa DOTC hinggil sa pag phase out sa mga jeep ngunit nagsasagawa na nang mga konsultasyon at pagpupulong hinggil dito.

Kung maipatutupad ang modernization program, mas magagandang pampublikong sasakyan ang makikita sa mga lansangan gaya ng mga jeep na mayroong gps at speed limiter. (Mon Jocson/UNTV News)

Tags: