TESDA, tatanggap na rin ng mga kababaihang sasanayin para sa Build, Build, Build program ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | March 5, 2018 (Monday) | 24432

Hindi lamang lalake ang sasanayin ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa larangan ng construction na kakailanganin para sa Build, Build, Build program.

Pati mga babae ay tatanggapin ng TESDA sa mga non-traditional trade o mga trabaho na itinuturing na para lamang sa mga kalalakihan.

Ayon sa TESDA, isang daang libong manggagawa ang kailangan ng administrasyon para sa nasabing programa subalit nasa 25 thousand pa lamang ang nag-enroll.

Nais patunayan ng TESDA na kaya na rin ng mga babae ang mga trabaho na ginagawa ng mga kalalakihan. Lahat ng papasok sa training ngayong taon ay siguradong magkakaroon agad ng trabaho matapos ang graduation.

Bukas para sa enrollment ang mga skills training gaya ng welding, plumbing, carpentry at electronics.

Sa lahat ng interesado, magdala lamang ng 2 pcs. colored 1×1 picture with white background, ballpen at kopya ng National Career Assessment Exam, kung mayroon. Kailangan na highschool graduate rin para matanggap sa training.

Bukas ang aplikasyon sa lahat ng TESDA Training Center, Lunes hanggang Huwebes alas otso ng umaga hanggang alas tres ng hapon.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,