METRO MANILA – Limitado pa rin ang nakakapagparehistro sa online registration na unang hakbang sa pagkuha ng national ID matapos ang naranasang technical problem noong Biyernes (April 30).
Sa isang panayam, sinabi ng National Economic Development Authority (NEDA) na bunsod ito ng higit na mataas na bilang ng mga nagparehistro sa unang araw kumpara sa kakayahan ng naturang sistema.
Ayon kay NEDA Secretary Karl Kendric Chua, hanggang 35,000 users kada minuto lang ang kaya ng system ng online platform.
Ngunit sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), posibleng umabot sa 90,000 ang aktuwal na bilang ng mga sumubok na magregister sa pagbubukas ng online registration.
“Siguro 46 yung una pero tumaas pa siya actually. Umabot siya ng 90 eh, alam namin. Kaya nga yun yung mga hindi pa namin nakukuha na mga final figures kung ilan talaga yung pumasok.” ani PSA Asec Rosalinda Bautista.
Sa kasalukuyan ay inaayos pa rin ang national ID online registration.
Pinatataas na rin ang kakayahan nitong makapagregistro ng mas maraming online users ng sabay-sabay.
Pansamantala, maaari pa rin namang makapagrehistro ang ilan sa limitadong bilang.
“Ina-update. Buhay pa yung system. Buhay siya. In fact, may mga naka-register kami ng April 30, nakapasok ng 30, May 1, May 2. But it’s not the kind of capacity na gusto naming paandarin. We want to get people na when they go there, makakapasok sila.” ani PSA Asec Rosalinda Bautista.
Sa kabila ng aberya, nagpasalamat ang NEDA sa partisipasyon ng sambayanan sa online registration para sa national ID.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: National ID System, PSA