Team leader sa operasyon ng pulis sa Mandaluyong, nag-awol sa trabaho

by Radyo La Verdad | January 3, 2018 (Wednesday) | 4958

Hindi dumating si PSInsp. Ma. Cristina Vasquez sa inquest proceedings para sa mga kasong homicide at frustrated homicide na isinampa laban sa kaniya at siyam na iba pang pulis na sangkot sa Mandaluyong shootout.

Si Vasquez ang team leader ng Mandaluyong police na rumesponde sa tawag ng mga brgy. tanod ng Addition Hills. Hindi rin ito nag-report sa Regional Police Holding and Accounting Unit kung saan dapat siyang sumailalim sa kustodiya nito.

Panawagan ni Philippine National Police Chief Police Director General Ronald Dela Rosa sa nag-awol na pulis, huwag matakot at sumuko sa kinauukulan. Nangako ang heneral na hahanap ng paraan upang matulungan sa kanilang kaso ang mga sangkot na pulis.

Aminado si Gen. Dela Rosa na may pagkakamali sa panig ng mga pulis sa nangyari ngunit naawa siya sa mga ito dahil ginawa lamang umano ng mga ito ang kanilang tungkulin.

Plano nitong ibalik sa training ang mga pulis upang maiwasang maulit ang ganitong pangyayari.

Ipinagutos na rin ni Dela Rosa sa lahat ng chief of police na arestuhin ang mga tanod na armado ng baril dahil batuta lamang ang maaaring dalhin ng mga ito.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,