Idadaan sa dayalogo at hindi protesta sa kalsada ang gagawing pagpapaabot ng mga hinanakit ng Teachers’ Union sa gobyerno.
Ayon kay Teachers Union President Cynthia Villar, ilan sa mga reklamo na nais nilang ipaabot sa administrasyon ay ang umanoy hindi makatuwirang pataw na 5 porsyentong witholding tax sa honorarium at travel allowance ng mga guro na magsisilbi sa darating na barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Batay sa Election Service Reform Act, ang mga magsisilbi sa eleksyon na chairperson ng electoral boards ay makakatanggap ng 6,000 at 5,000 piso para sa mga miyembro ng board of election tellers.
Ang pataw na buwis ay kontra na umano sa layunin ng naturang batas na mabigyan ng kompensasyon ang mga magseserbisyo sa eleksyon.
Wala pang pahayag ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay ng naturang reklamo ng mga guro.
Samantala, kinuwestiyon rin ng grupo ang programa ng Government Service Insurance System (GSIS), na layong saluhin ang mga utang ng mga public school teachers sa private lenders.
Ilang dayalogo sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang isasagawa ng grupo ng mga guro upang pag-usapan ang naturang mga isyu.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: GSIS, guro, Teachers Union