Arestado ang tatlong umanoy human traffickers sa isinagawang rescue operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa safe house ng mga suspect noong Sabado sa Pasay City.
Kanina, iniharap ng NBI sa media ang dalawa sa mga suspek na kinilalang sina Patricia Lambino alyas “Mommy” at Rosie Lopez. Hindi naman iniharap pa ang isa, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Natuklasan ang modus ng grupo nang makatanggap ng impormasyon ang NBI mula sa menor de edad na nasa pangangalaga ng DSWD noong nakaraang linggo.
Magta-trabaho siya bilang domestic helper sa Saudi Arabia, nguni’t hinarang ng immigration officer. Nakasaad sa pasaporte nito na 23 anyos na ngunit lumabas sa pagsisiyasat ng immigration officer na 16 anyos pa lamang ito.
Inamin din ng babae na peke ang kaniyang pasaporte at iba pang dokumento. Nangako aniya ang mga suspek sa kanila ng magandang sweldo kaya pumayag na magtrabaho sa Saudi.
Nang i-turn over na sa DSWD ang menor de edad na babae, saka nito sinabi na may mga kasamahan pa siyang nasa pangangalaga ng mga suspek sa isang safehouse sa Pasay City at nakatakda na ring ipadala sa ibang bansa. Sa rescue operation, 137 na babae ang nailigtas ng NBI kung saan 25 rito ay mga menor de edad.
Ayon sa NBI, dati ng may record ng katulad na kaso ang mga suspek.
Sa ngayon, iniimbestigahan na rin ng NBI ang manpower agency kung saan nakikipag ugnayan ang suspek. Humingi na rin ng tulong ang NBI sa DFA upang malaman kung may kasabwat ang mga suspek kaya nakakapameke ang mga ito ng mga dokumento.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: human traffickers, NBI, Pasay city