Tagasubaybay ng Serbisyong Bayanihan, isa sa mga natulungan ng programa

by Erika Endraca | December 16, 2020 (Wednesday) | 2400

METRO MANILA – Hindi nagatubiling humingi ng tulong si Helen Ignacio, isang masugid na tagasubaybay ng programang Serbisyong Bayanihan ni Mr. Public Service – Kuya Daniel Razon. Nakita ni Helen na walang pinipiling kasarian, relihiyon, o paniniwala ang programa sa mga kasangbahay nating kailangang matulungan.

Hindi naman ito nabigo dahil agad na may tumugon sa kaniyang kahilingan at pati ang pampuhunan para sa kaniyang munting pangarap na negosyo ay maipagkakaloob rin sa kanya.

Si Helen ay isa nang byuda at naiwan sa kanya ang 3 nilang anak ng namayapa nitong asawa. Dahil sa kahirapan ay hindi na nakapagbayad si Helen ng mga bayarin nito sa kuryente at naforfeit na rin ang dati nitong metro kaya nakikikabit na lamang sila sa kapitbahay at nagbabayad ng Php1,200 buwan-buwan.

Paglalabada ang ikinabubuhay nila Helen pero hindi pa rin sapat ang kinikita nito sa araw-araw na pangangailangan ng kaniyang pamilya lalo pa’t nagaaral ang tatlo nitong anak.

Labis-labis ang pasasalamat ni Helen dahil sa wakas ay magkakaroon na sila ng sarili nilang kuryente at pangpuhunan para sa kanyang inaasam na negosyo na ipangtutustos sa kanilang pangaraw-araw na gastusin.

(Syrixpaul Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: