Hindi pa rin makakaalis ng bansa ang libo-libong mga Overseas Filipino Workers na ngayon pa lamang pa magta-trabaho sa bansang Kuwait.
Dahil ito sa hindi pa rin binabawi ng Department of Labor and Employment ang suspensyon hinggil sa pagpapadala ng panibagong mga OFW sa naturang bansa.
Paliwanag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi pa nakukumpleto ng kinatawan ng Pilipinas ang hinihingi nilang ulat at mga datos hinggil sa kalagayan ng nasa 250-libong mga OFW na nagtatrabaho doon.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang negosasyon ng Kuwait Ministry of Foreign Affairs at ng Embahada ng Pilipinas doon upang pag-usapan ang mga kondisyon na nais ng pamahaalan at masiguro na matitigil na ang mga kaso ng pang-aabuso at pagsasamantala sa mga OFW.
Nilinaw rin ng DOLE kung bakit kasama rin sa suspensyon ng deployment ang mga skilled worker.
Sa pagtaya ng ahensya, umaabot sa halos tatlong libong aplikasyon ng mga bagong OFWs na magta-trabaho sa Kuwait ang kanilang natatanggap araw-araw.
Samantala, nakatakda ring umalis sa bansa ngayong linggo ang Rapid Reaction Team na inatasan ng DOLE na bumisita sa iba pang POLO Offices sa Middle East upang alamin ang iba pang mga kaso ng pang-aabuso sa mga OFW.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )