Suspensyon ng Loans at agreements sa mga bansang sumuporta sa Iceland Resolution, walang epekto sa ekonomiya ng bansa – Malacañang

by Erika Endraca | September 24, 2019 (Tuesday) | 7232

MANILA, Philippines – Inamin na ng Malacañang na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na ipatigil ang lahat ng Loans at Agreements sa mga bansang sumuporta sa Iceland Resolution na nananawagan sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na imbestigahan ang Anti-Drug War ng Duterte Administration.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mananatili ang polisiyang ito hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte at di ito makakaapekto sa ekonomiya ng bansa. Nainsulto aniya ang Pangulo at ang Pilipinas sa naturang resolusyon na isinulong ng isang bansang legal na ipinapahintulot ang abortion.

Sa 18 bansa, tanging ang 21 Million Euros na halaga ng technical assistant grant ng UK sa Build-Build-Build Program ang maaapektuhan ng naturang polisiya. May ibang bansa, trading partners o institutions din aniya na maaaring makapagpuno nito.

Ipinunto rin ng palasyo na katunayang walang basehan ang naturang Iceland Resolution dahil mismong mayorya ng mga Pilipino ang sumusuporta sa anti-drug war ng pamahalaan.

Batay sa June 2019 survey ng Social Weather Stations, lumalabas na 82% ng 1,200 respondents ang nagsabing satisfied sila sa isinasagawang anti-narcotics campaign ng pamahalaan.

Ayon sa mga respondent, nakita nila ang malaking pagbabago sa peace and order situation sa bansa bunsod na rin ng pagkaka-aresto sa mga drug suspect.
(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,