Mga opisyal at kawani ng gobyerno, dapat manatili ang political neutrality sa lahat ng oras – Malacañang

by Radyo La Verdad | November 18, 2021 (Thursday) | 91321

METRO MANILA – Muling nagpaalala ang Malacañang sa lahat ng mga opisyal at kawani ng gobyerno na umiwas sa pakikilahok sa mga gawain ng mga partido pulitikal ngayong panahon ng eleksyon.

Batay sa inilabas na memorandum ni Executive Secretary Medialdea noong Nobyembre 8, inatasan ang lahat ng mga opisyal at mga empleyado nito na manatili ang political neutrality o walang kinikilingang partido pulitikal sa pamahalaan sa lahat ng oras.

Sakop rito sa nasabing memorandum ang lahat ng mga opisyal at kawani ng Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCC), Government Financial Institutions, mga pamantasan at kolehiyong pagmamay-ari ng pamahalaan at ang mga ahensya nito.

Ayon kay Medialdea, nakasaad sa Saligang Batas ng 1987 at sa Batas Pambansa 881 o the Omnibus Election Code na mahigpit na ipinagbabawal sa mga opisyal at mga empleyado ng pamahaalan na lumahok sa anomang gawaing pampulitika.

Sa ilalim ng nasabing kautusan, ang mga opisyal at mga kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay maaaring mapatawan ng kaukulang disiplina na dadaan sa military due process sa ilalim ng Commonwealth Act 408 or the Articles of War.

Binanggit ni Medialdea na sa ilalim ng RA 6713 o the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na mananatiling mandato sa lahat ng opisyal at kawani nito ang makapagbigay ng kaukulang serbisyo anoman ang partidong kinabibilangan.

Ang nasabing pagbabawal sa pangangampanya sa sinomang kandidato o pakikilahok sa anomang gawaing pulitikal ay naaangkop sa lahat mapa-tradisyonal man o sa makabagong media.

(Daniel Dequina | La Verdad Correspondent)

Tags: