Suspek sa pamemeke ng ATM at credit cards, naaresto ng NBI

by Radyo La Verdad | October 17, 2018 (Wednesday) | 7400

Sa bisa ng arrest order na inilabas ng Regional Trial Court Branch 160 sa Pasig City, inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lalaking ito dahil sa iligal na paggawa at paggamit ng mga pekeng ATM at credit cards.

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang suspek na si Gerard Joseph Liwag na nahuli sa isang condominium sa Bonifacio Global City nitong ika-9 ng Oktubre.

Ayon sa NBI, inireklamo ng kinatawan ng isang malaking commercial bank ang suspek dahil sa pamemeke nito ng ATM at credit cards.

Base sa impormasyong natanggap ng NBI, si Liwag ay mastermind umano ng isang organisadong sindikato na sangkot sa produksyon at paggamit ng pekeng local at international ATM, at credit cards na nambibiktima sa mga mall at casino sa Metro Manila at Metro Cebu. Ang modus operandi ng suspek ay kumuha ng impormasyon sa pamamagitan ng call centers at iba pang business establishments.

Ayon sa NBI, nananakaw ang mga impormasyon sa pamamagitan ng pag-swipe sa skimming device na inililipat at ine-encode sa laptop. Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon.

Ayon sa NBI, limang taon ng nasa operasyon ang sindikato at malabong ang suspek lamang ang gumagawa ng lahat ng iligal na transaksyon.

Nasamsam mula sa suspek ang iba’t-ibang klase ng mamahaling kagamitan na hindi madaling mabili sa merkado na ginagamit sa paggawa ng pekeng ATM at credit cards tulad ng card printer, embossing machine, fargo high definition printer, storage device, skimming device, laptops, point of sale card terminal, java blank cards, at 80 pieces ng iba’t-ibang klaseng cards.

Nakuha rin sa suspek ang isang baril, mga bala, pekeng mga IDs, at pasaporte.

Nahaharap ito sa mga kasong paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Regulation Act of 1998 at RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act Of 2012.

Hinimok ng NBI na magsumbong sa kanilang tanggapan ang mga nabiktima ng grupo. Pinag-iingat din ng ahensya ang publiko sa paggamit ng atm at credit cards lalo na ngayong nalalapit na holiday season.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,