Suspek sa pagpatay sa isang abogado sa Cebu, nahuli na ng NBI

by Erika Endraca | December 15, 2020 (Tuesday) | 7860

Naaresto na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang primary suspect sa pagpatay kay Atty. Joey Luis B. Wee sa Cebu 15 araw matapos mangyari ang naturang krimen.

Matatandaang napatay ang Cebu-based practicing lawyer umaga noong November 23, 2020 habang papunta sa kanyang opisina sa Kasambangan, Cebu City. Naitakbo pa sa ospital ang biktima ng kanyang asawa’t mga katrabaho pero doon na ito naideklarang patay dahil sa dalawang tama ng bala sa katawan.

Kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon at hot pursuit operation laban sa assailant si Atty. Rennan Augustus Oliva at ang Regional Director ng Central Visayas Regional Office (CEVRO) sa utos ni Distor.

Base sa CCTV footage na nakalap ng mga otoridad at sa tulong na rin ng asawa ni Wee at ng iba pang mga witness ay kaagad na natukoy ang mga suspek sa pagpatay maging ang mga sasakyang nagamit ng mga ito sa naturang krimen.

Nahuli ang kinilalang suspek na si Fausto Edgar Benigno Peralta na nagtatago sa kanyang inuupahang apartment sa Barangay Pulo, Cabuyao, Laguna noong December 8, 2020.

Samantala, haharap naman sa inquest proceedings si Peralta sa kasong Murder kasama ang ilan pang nairekomenda ng prosecution na nahaharap sa parehong kaso.

(Syrixpaul Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: ,