Survey ukol sa May 9, 2016 eleksyon, inilabas ng Pulse Asia

by Radyo La Verdad | August 18, 2016 (Thursday) | 3954

ELECTION
Nagsagawa ng survey ang Pulse Asia nitong Hulyo sa nasa 1,200 tao sa buong bansa kaugnay sa nakaraang May 9 elections.

92% ang nagsasabing mabilis nailabas ang resulta, 93% naman ang nagsabing ito ay naging maayos, 95% ang nagsabing wala silang nakitang insidente ng karahasan at 89% ang naniniwalang katiwatiwala ang resulta ng halalan.

83% ang nagsabing walang nangyaring dayaan sa kanilang lugar.

22% naman sa mga respondent ang nagsabing inalok sila ng pera o ng materyal na bagay kapalit ng kanilang boto.

Sa datos na ito, 74% o tatlo sa bawat apat na inalok ang nagsabing tinanggap nila ito.

Malaking porsyento sa mga tumanggap ay nagsabing hindi nila matanggihan ang libreng regalo habang ang iba ay nagsabing kailangan nila ng pera, ayaw nilang ipahiya ang nag-aalok o di kaya ay pagkakataon na nila ito upang makakuha ng pakinabang mula sa mga mayayaman at makapangyarihan.

Subalit sa mga umaming tumanggap sila ng pera, 18% lang ang nagsabing ibinoto nila ang kandidato o mga kandidatong nagbigay nito, 28% naman ang hindi ibinoto yung kandidatong namili ng boto habang 49% ay nagsabing hindi ibinoto ang lahat ng mga sangkot sa vote buying.

Subalit para sa COMELEC hindi pa rin katanggap tanggap na katwiran na tanggapin ang pera ngunit iba ang binoto.

Ayon sa COMELEC ang pagpapaigting pa rin sa voters education ang nakikita nilang paraan upang labanan ang vote buying.

(Victor Cosare/UNTV Radio)

Tags: , ,