Supply ng NFA rice sa merkado, posibleng mawala dahil sa tarrification – Sec. Piñol

by Jeck Deocampo | December 19, 2018 (Wednesday) | 7066

METRO MANILA, Philippines – Nanganganib na hindi na makita pa sa mga pamilihan sa bansa ang pinakamurang bigas na isinu-supply ng National Food Authority (NFA). Sa ngayon ay mabibili pa ito sa merkado sa halagang ₱27 at ₱32 kada kilo dahil sa subsidiyang inilalaan ng pamahalaan.

 

Pero ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, kapag naisabatas na ang Rice Tarrification Bill ay hindi na mag-aangkat ng bigas ang NFA bagkus ay sa mga lokal na magsasaka na lamang sila bibili.

 

Dagdag pa ng kalihim, sa ilalim ng Rice Tarrification Bill ay mababago ang mandato ng NFA kung saan magsisilbi na lamang itong taga-imbak o buffer stock ng bigas na gagamitin naman sa oras ng mga kalamidad o iba pang biglaang pangangailangan ng gobyerno. Nangangahulugang aniyang hindi na ito makikipag-kompetensiya pa sa mga commercial rice sa merkado.

 

Kung sakali mang payagan pa silang magsupply ng bigas sa merkado ay mabibili na ito sa halagang ₱35-36 kada kilo. Posible pa aniyang sa unang tatlong buwan na lamang ng 2019 tumagal ang inangkat na bigas ng NFA.

 

Pero ayon kay Piñol, may ₱10 bilyong pondo namang nakalaan kada taon bilang ayuda sa mga magsasaka para mapababa ang gastos sa produksyon at mapataas ang ani ng palay. Bibigyan din ng libreng binhi ang mga magsasaka at mga makinarya sa pagsasaka.

 

Para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng bigas ay ipagpapatuloy pa rin ng DA ang pagpapatupad ng suggested retail price ng bigas sa ilalim ng Price Act. Ngunit ayon kay piñol, pwede pa rin na magpalugi ang gobyerno kung magdedesisyon ito na ituloy ang subsidiya sa bigas.

 

“Kung ₱20.70 (per kilo) ang bili namin ng bigas (palay) hindi pwedeng ibenta namin ng ₱27, kung ayaw nilang magpalugi. Pero the national government can still tell the NFA, okay magpalugi kayo. bilhin nyo ng ₱20.70 (per kilo) ibenta nyo ng ₱27. Subsidize namin yung remaining that could still be possible,” ani Secretary Piñol.

 

Ayon naman kay Atty. Vic Dimagiba ng Laban Konsyumer, lalo aniyang tataas ang inflation kaya’t hindi pa napapanahon para alisin ang supply ng NFA rice sa merkado. Nasa 30% ng populasyon ng bansa ang pumipila para bumibili nito. Kontra aniya sa mahirap ang panukalang batas kaya’t dapat itong pigilan ng Pangulo.

 

Sa ngayon ay pirma na lamang ng Pangulo ang kailangan para maging batas ang Rice Tarrification Bill.

 

(Rey Pelayo | UNTV News and Rescue)

Tags: , , ,