Personal na inalam ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa Commonwealth Market.
Natuklasan ng kalihim na mahal pa rin ang presyo ng ilang gulay may ilan naman na bumaba na gaya ng sibuyas.
Ito ang resulta ng pakikipagpulong nito sa mga stakeholders o may kinalaman sa sektor na ito. Dati aniya ay nasa 100 to 120 ang presyo ng mga imported na sibuyas.
Ilang outlet naman ng NFA rice ang naubusan ng supply pero ayon sa kalihim babahain nito ng NFA rice ang mga pamilihan.
Hindi pa tukoy ng opisyal kung ilang metriko tonelada ng bigas ang aangkatin subalit tatalakayin anila ito sa pagpupulong ng NFA Council.
Si Piñol na rin ang chairman ng NFA Council kasabay ng opisyal na pagbabalik ng 3 ahensya ng gobyerno sa ilalim ng Deparment of Agriculture (DA).
Ito ay ang National Food Authority (NFA), Philippine Coconut Authority (PCA) at fertilizer and pesticide authority.
Isa rin sa plano ng kalihim na ipagbawal na ang pag-aangkat ng fancy rice o ang mataas na klase ng bigas dahil isa aniya ito sa dahilan kung bakit mataas ang presyo ng bigas.
Ang dapat aniyang payagang angkatin ng mga pribadong sektor ay ang mga ordinaryong bigas lamang at bayaang ang mga lokal na magsasaka na ang magtanim ng mga mataas ng klase ng bigas.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: commonwealth market, NFA, Sec. Piñol