Supply ng kuryente sa Luzon, balik normal na

by Radyo La Verdad | April 12, 2016 (Tuesday) | 1959

MON_NGCP
Pasado alas tres ng hapon ng bumagsak ang sual coal-fired power plant kahapon.

Dahil dito nagdeklara ng yellow alert ang National Grid Corporation dahil humina o naging manipis ang supply ng kuryente bunsod ng mainit na panahon.

Ang resulta, labing limang minutong brownout sa Quezon City, Manila, Las Piñas, Muntinlupa, Malabon, Caloocan, Navotas, Pasay at Paranaque.

Ayon sa NGCP, balik normal na ang supply ng kuryente ngayong araw dahil naayos na ang sual diesel power plant.

Pina-andar din ang Malaya Diesel Power Plant na nakapag ambag ng 350 megawatts.

Ngayong araw, nasa 10,392 megawatts ang supply ng kuryente sa buong Luzon at tinatayang aabot naman sa 9,082 megawatts ang peak demand ng Luzon.

Sapat na ito at mayroon pang matitira na 1,310 megawatts na supply para sa Luzon.

Subalit ayon sa NGCP, hindi pa ito ang pinaka mainit na panahon at maaring pagsapit ng buwan ng Mayo ay mas tataas pa ang demand sa kuryente na maaaring maka apekto sa supply.

Tuwing alas dos ng hapon ang naitatalang may pinakamataas na demand sa kuryente kaya sa mga oras na ito dapat na magtipid sa paggamit ng kuryente ang mga consumer.

Nanganganib naman na tumaas ang singil sa kuryente sa mga susunod na buwan lalo na at pinagagana ngayon ang Malaya Power Plant na gumagamit ng mas mahal na panggatong.

Tiwala naman ang NGCP na magiging sapat ang supply sa kuryente hanggang sa Mayo kasabay ng national election.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: ,