Hanggang sa 20 na lang ngayong buwan tatagal ang suplay ng NFA rice sa lungsod ng Baguio at Benguet.
Batay sa inventory ng National Food Authority (NFA) Region 1, nasa 60,000 sako na lang ng NFA rice ang nakalaan sa buong rehiyon kasama ang Baguio, Benguet at Abra.
Tatlongpu’t tatlong libo nito ang nakalaan sa Baguio at Benguet habang ang nalalabi ay nakareserba kapag nagkaroon ng sakuna.
Ikinababahala naman ng mga residente ang unti-unting pagkawala ng NFA rice. Nangangaunti na rin ang suplay ng commercial rice kaya tumataas na rin ang presyo nito.
Dalawa hanggang limang piso na ang itinaas sa kada kilo ng commercial rice sa mga palengke.
Ayon sa NFA, posibleng sa Hunyo pa darating ang NFA supply sa Baguio at Benguet kaya mahigpit nilang sinusunod ang patakaran kung saan hanggang tatlong kilo lang ng maaaring bilhin ng mamimili kada araw.
( Grace Doctolero / UNTV Correspodent )