Suggested retail price sa bigas, ipatutupad na sa ika-23 ng Oktubre

by Radyo La Verdad | October 18, 2018 (Thursday) | 6544

Lalagyan na ng suggested retail price (SRP) ang bigas simula sa ika-23 ng Oktubre.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, hindi dapat tumaas sa 37 pesos ang presyo ng imported 25% broken o ordinaryong bigas habang hanggang P40 naman sa mas magandang klase o 5% broken.

Sa mga locally produced na bigas ay P39 sa regular milled at P44 naman sa well milled.

Pinag-uusapan pa ang SRP ng premium rice habang walang SRP ang mga special rice.

Ayon sa kalihim, ilalagay din ng mga retailer kung ang kanilang bigas na itinitinda ay galing sa ibang bansa gaya ng Thailand at Vietnam gayundin kung inani naman sa Pilipinas.

Ipagbabawal na rin ang paglalagay ng mga pangalang sinandomeng, dinorado, super angelica o yammy rice dahil wala naman aniyang ganitong klase ng bigas.

Ayon kay Piñol, ipatutupad ito dahil maraming mga consumer ang nagrereklamo.

 

 

 

Tags: , ,