Strawberry farm, inaasahang palalakasin ang agro-tourism sa Baguio City

by Radyo La Verdad | February 21, 2018 (Wednesday) | 3897

Kilala ang Baguio bilang City of Pines at Summer Capital of the Philippines dahil sa malamig na klima.

Ngunit bukod dito, isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ang agro-tourism sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malawak na taniman ng strawberry na magbubukas nitong summer.

Ayon kay City Councilor Leandro Yangot, bumuo ang nasa walumpong magsasaka ng Sto. Tomas Central ng asosasyon at nagtanim ng San Andreas California strawberry varieties sa isa at kalahating ektarya  sa lugar. Kilala ang Sto. Tomas sa magagandang tanawin pero ngayong taon mas makikilala na ang Sto. Tomas bilang strawberry farm ng Baguio City.

I-aadapt ng mga magsasaka ang organic system of production kung saan ang tubig na pandidilig din dito ay manggagaling sa fresh spring water sa lugar. Ngayon ang mga magsasaka ay umaani na ng malalaki at matatamis na strawberry.

Ayon sa mga magsasaka, mas makakatipid at kikita sila kung turista na lang ang pupunta sa kanilang farm upang mamitas ng strawberries kaysa sila ang magdadala sa palengke.

Sa ngayon ay hindi pa bubuksan sa publiko ang agro-tourism destination na ito hangga’t hindi kumpleto ang mga pasilidad na kakailanganin gaya ng environmental plan na nagproprotekta sa lugar,  palikuran  at parking lots.

Tutulong ang city government ng Baguio na bumuo ng kooperatiba para makalikom ng pondo na kailangan para masustinihan ang strawberry production.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

Tags: , ,