Nasa ilalim ng state of calamity ngayon ang bayan ng Sto. Tomas sa Pampanga dahil sa nararanasang matinding pagbaha.
Dahil sa mga pag-ulang dulot ng habagat at pagbaba ng tubig mula sa mga bayan ng Minalin, Clark, Angeles at San Fernando, umapaw ang tubig sa Abacan River na syang lubhang nagpabaha sa lugar.
Ayon sa mga residente, tuwing ganitong panahon ay palaging ganito ang senaryo sa kanilang lugar.
Ang ilang mga residente dito ay hindi na makapaghanap-buhay at umaasa na lamang sa relief goods na ibinibigay ng gobyerno at ilang non-governmental organization.
Kaya naman pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Sto. Tomas, Pampanga at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paglalagay ng slope protection sa mga ilog upang maiwasan ang pag-apaw nito.
Kahapon ng umaga ay nagsurvey at nag-assess ang grupo sa Abacan River bilang paghahanda sa proyekto. Magsasagawa rin anila sila ng dredging sa mga ilog sa bayan.
Inaasang mauumpisahan ang proyekto sa taong 2019 at tinatayang magkakahalaga ng 250 milyong piso.
( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )