METRO MANILA – Hindi inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magdeklara ng State of National Calamity dahil sa iniwang pinsala ng bagyong Paeng.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr, kinunsulta niya ang Department of environment and Natural Resources (DENR), dito siya nagdesisyon na hindi na kailangang magdeklara ng State of National Calamity.
“In consultation with DENR sabi hindi naman kasi extensive, very very how do we say, not naman isolated… highly localized ang mga damage. We’re talking about the East Coast Quezon, dito sa Cavite, and then Maguindanao. Tinamaan pa rin yung Maguindanao. “ ani Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sa pamamagitan ng deklarasyon ng State of Calamity, magagamit ng Local Government Units (LGU) ang kanilang calamity fund upang matulungan ang mga naapektuhan ng bagyo.
Nag-aerial inspection si Pangulong Marcos sa probinsya ng Cavite. Ayon sa pangulo, tinitignan na niya ang long term solution sa nangyayaring pagbaha sa Cavite na isa sa mga matinding binaha.
“Hindi masyadong malakas ang hangin pero maraming bumagsak na tubig at hindi nakayanan ng ating mga flood control at lumampas na yung tubig dun sa mga dike dun sa mga flood control natin kaya’t pumasok na sa mga bayan, ganun ang nangyari kayat kailangan natin tignan,” ani Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Pinangunahan rin ni PBBM ang pamamahagi ng family food packs at hygiene kit sa Noveleta, Cavite.
Ipinahayag ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pre-emptive evacuation tuwing may banta ng parating na bagyo.
“Ang pinaka importante pagkaalam natin pagka may parating na bagyo ay meron tayong evacuation na pre-emptive na inuunahan natin yung bagyo na ilikas ang mga tao para kung sakali man dumaan dun sa lugar na yun ay hindi na sila mabiktima.” ani Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Muling tiniyak ni PBBM ang tulong ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng bagyong Paeng.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: Bagyong Paeng, NDRRMC, PBBM