State of calamity, inirekomenda ng Zamboanga City government

by Radyo La Verdad | August 21, 2018 (Tuesday) | 3829

Inirekomenda ng Zamboanga City government na magdeklara ng state of calamity sa lugar dahil sa nararanasang rice shortage.

Nagsumite ng resolusyon ang lokal na pamahalaan upang magkaroon ng price sealing na 46 piso kada kilo ang presyo ng commercial rice sa lungsod.

Ayon kay Zamboanga City Mayor Maria Isabelle “Beng” Climaco- Salazar, pumapalo na sa 50 hanggang 70 piso kada kilo ang presyo ng commercial rice sa kanilang lugar.

Nilinaw naman ng alkalde na mayroong supply ng NFA rice sa Zamboanga City. 180,000 na sako ng bigas ang kailangan ng Zamboanga City bilang buffer stock para sa tatlong buwan.

Gayunpaman, nasa 40,000 hanggang 50,000 na sako ng bigas lamang ang natanggap nila mula sa National Food Authority (NFA).

Kaya naman hinihiling ng alkalde sa NFA na dagdagan ang suplay ng kanilang bigas.

Dagdag pa ng alkalde na nasa 6,000 na sako ng bigas ang kanilang kailangan sa araw-araw.

Sinabi pa ng alkalde na noong nakaraang linggo ay bumisita na si Agriculture Secretary Manny Piñol sa Zamboanga City para sa imbestigasyon sa kakulangan ng supply ng bigas sa siyudad.

Samantala, pinaiimbestigahan na rin ng lokal na pamahalaan ang mga warehouse ng bigas upang matiyak na walang rice hoarder.

 

Tags: , ,