Bubuo ang Commission on Elections ng Special Bids and Awards Committee na mamahala sa dalawang magkasabay na bidding sa refurbishment ng mga lumang PCOS machine at acquisition ng mga bagong voting machine.
Paliwanag ng komisyon maraming bidding na ang hawak ng kasalukuyang Comelec Bids and Awards Committee kaya mahihirapan na kung dito pa ipamamahala ang 2 mahalagang bidding.
Sa ngayon wala pang inilalabas na listahan ang Comelec kung sinu-sino ang bubuo sa Special Bids and Awards Committee.
Target naman ng Comelec na magdesisyon sa dalawang opsyon sa kalagitnaan ng buwan ng Hulyo pagkatapos ng isasagawang mga konsultasyon.
Samantala, bagamat diniskwalipika ang Smartmatic sa post qualification phase ng 1st round bidding sa kukuning 23,000 bagong OMR machines, hindi naman ito nangangahulugan na hindi na ito maaring sumali sa parallel bidding.
Paliwanag ng Comelec, nadiskwalipika ang Smartmatic dahil sa kabiguan nitong magbigay ng valid articles of incorporation at hindi nasapatan ng kanilang demo unit ang hinihinging requirement ng komisyon. (Victor Cosare /UNTV News )
Tags: Commission on Elections, Smartmatic, Special Bids and Awards Committee