Turista, hindi terorista. Ito ang tugon ng 20 anyos na Spanish National kaugnay ng reklamong kinakaharap niya sa Department of Justice. Sa kanyang kontra-salaysay, hiniling ni Abdelhakim Labidi Adib na i-dismiss ang reklamong illegal possession of explosives.
Itinanggi nito na sa kanya ang bag na ayon sa mga tauhan ng Army Special Forces ay naglalaman ng dalawang granada at mga gamit sa pagpapasabog. Sabi pa niya, wala siyang kaugnayan sa Abu Sayyaf o anomang teroristang grupo sa Mindanao.
Kwento pa ng Espanyol, naglalakad lamang siya sa Basilan nang siya ay arestuhin kasama ang isang “Abuzaid” na nakilala umano niya sa Cagayan de Oro City. Wala umanong checkpoint at dalawa silang inaresto ng kanyang kasama. Taliwas ito sa sinasabi ng militar na naaresto si Adib sa kanilang checkpoint at nakatakas ang kanyang kasama.
Aminado naman si Adib na matagal na niyang gustong makapunta ng Pilipinas dahil sa nababasa niyang magagadang lugar dito. Pero wala umano sa plano niya na mapunta ng Basilan. Niyaya lamang umano siya ni “Abuzaid” na magtungo sa lugar ng mga tribong Yakan sa kagubatan ng Basilan.
Nung una umano ay mabait sa kanya ang mga Yakan pero kinalaunan kinuha na ng mga ito ang kanyang cell phoen, pera at mga gamit. Dito na umano siya nagpasyang bumalik ng Espanya at patungo na siya ng Zamboanga nang siya ay maaresto.
Tinapos na ng DOJ Prosecutor ang imbestigasyon sa kanyang kaso at magpapasya na lamang ito kung kakasuhan siya sa korte.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: Basilan, Spanish National, teroristang grupo