Tila isang bagong umaga para sa lahat ng mga Pilipino ang unang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Lalo na at naging hayag ito sa iba’t-ibang isyu na kailangang masolusyunan.
Inisa isa ni Duterte ang mga solusyon na nakahanda para sa sektor ng transportasyon.
Una ay ang pag improve sa Pasig River Ferry bilang alternative mode of transportation.
Pagpapaigting sa anti-colorum campaign, paglipat sa mga terminal labas ng Metro Manila, pag maximize sa paggamit ng mga lansangan at secondary roads.
Pabibilisin rin ang delivery ng mga dagdag na tren sa MRT at LRT upang mapaigsi ang mahahabang pila sa mga istasyon, gagawin ring 3 minutes ang headway sa mga istasyon at pahahabain ang operating hours sa LRT.
Gagawin rin ng administrasyon na maging available ang mga MRT at LRT ticket sa lahat ng mga mall at convenience stores.
Isusulong rin ang connectivity sa mga malalaking syudad sa pamamagitan ng isang epektibong rail system, ipinangako ni Duterte na magkakaroon ng rail system sa Mindanao at Visayas, isang rail system rin na magdudugtong sa Clark airport at Metro Manila ang gagawin.
Ililipat naman ang general aviation sa Sangley Point sa Cavite upang madecongest ang NAIA.
Sinigurado rin ni Duterte na pabibilisin nya ang pag proseso sa mga dokumento at aplikasyon gaya ng mga permit at mga clearances maging ang pag extend sa expiry ng lisensya sa limang taon.
Magkakaroon rin ng free wifi access sa lahat ng mga airport, seaport, trains stations at mga terminal.
Subalit mapapabilis ang lahat ng proyektong ito kung ibibigay ng kongreso ang hinihingi ng Pangulo.
Nakiusap si Duterte sa mga miembro ng mababa at mataas na kapulungan ng kongreso na ibigay sa kanya ang special powers upang mapabilis ang pag resolba sa problema sa traffic.
(Mon Jocson/UNTV Radio)
Tags: Pangulong Rodrigo Roa Duterte, State of the Nation Address, transportasyon