Sistema sa blood money para sa OFW’s na nasa death row, iimbestigahan ng Senado

by Radyo La Verdad | February 1, 2016 (Monday) | 1300

BRYAN_ZAPANTA
Kinukwestyon ng pamilya ni Joselito Zapanta kung ano nang nangyari sa 23 Million pesos na nalikom bilang “blood money” sa kanilang anak.

December 2015 ng kumpirmahin ng Department of Foreign Affairs ang execution kay Zapanta na hinatulan ng Korte sa Saudi Arabia noong April 2010 dahil sa pagpatay sa isang Sudanese National noong 2009.

Sa ilalim ng Shariah Law, ang blood money ay kompensasyon na ibinibigay sa pamilya ng murder victim.

Kapag naibigay na ang blood money kailangang mag-execute ng affidavit of forgiveness upang hindi matuloy ang pagbitay sa suspect.

Ngunit ayon sa DFA itinuloy ang pagbitay kay Zapanta, dahil tumanggi ang pamilya ng kaniyang napatay na sudanese na magbigay ng affidavit of forgiveness kapalit ng “blood money.”

Sinabi ng pamilya ni Zapanta, wala rin silang natanggap na tulong pinansyal mula sa pamahalaan matapos na bitayin ang kanilang anak.

Maghahain naman ng resolusyon si Senador Cynthia Villar bago mag-adjourn ang Kongreso upang imbestigahan ng senado ang sistema sa blood money.

Ayon naman kay Susan Toots Ople, nasa account ng Philippine Embassy sa Riyadh ang nalikom na blood money kay Zapanta na nasa control ng DFA

Pabor sina Sen. Villar at Ople na ibigay na lamang sa pamilya ng isang OFW na nabitay ang hindi nagamit na blood money.

Ayon naman kay DFA Spokesperson Charles Jose, ang donors ng blood money ang magdedesisyon sa disposisyon nito.

Kanina tumanggap ng tulong pinansyal at livelihood assistance mula sa Villar SIPAG o Social Institute for Poverty Alleviation and Governance ang pamilya ni Zapanta gayundin ang tatlong OFWs na mula sa Middle East na sina Susan Asis, Frelyn Aboy at Rhodel Jayson Barrera.

(Bryan De Paz / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,