Matapos ang ilang buwang pagpapaliban, itutuloy na ng Maynilad at Manila Water ang dagdad singil sa tubig simula sa October 13, 2019.
Ito’y matapos na payagan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang pagtaas sa Foreign Currency Differential Adjustment o ang galaw ng piso kontra dolyar para sa fourth quarter ngayong taon.
Ang FCDA ang buwis na binabayaran ng mga customer upang tulungan makabawi ang mga water concessionaire sa foreign currency loans and projects.
“The reason po na pwede itong ipasa sa publiko ay pinayagan po sila dati ng MWSS ng dating board ng MWSS na pwede nilang ipasa ito sa publiko under the principle of no loss no gain, ibig sabihin hindi rin sila pwedeng kumita sa foreign currency,” ani Atty. Patrick Ty, Chief Regulator, MWSS.
Batay sa inaprubahang water rate hike ng MWSS, tataas ng 13 centavos per cubic meter ang singil ng Maynilad habang 69 centavos naman sa Manila Water. Ibig sabihin madadagdagan ng nasa 9 to 70 centavos ang babayarang bill ng Maynilad customers na kumokonsumo ng nasa 10 to 30 cubic meters sa isang buwan.
Pero para naman sa Manila Water customers, nasa 93 centavos hanggang higit 4 na piso ang patong sa bill para sa 10-30 cubic meters na konsumo.
Dismayado naman ang ilang customer sa dagdag singil sa tubig.
“Tataas na naman? Ito nga nangangamote ako dahil naputulan ako eh,” ayon sa consumer na si Ning Ning Lonzeras.
“Consideration na lang doon sa mga lalo yung mga hindi naman kasi lahat kayang magbayad ng ganoong kataas na bill,” ani Louie Cortez, consumer.
Samantala tiniyak naman ng MWSS na walang epekto sa billing ng mga consumer ang penalty na ipinataw ng Korte Suprema sa mga water concessionaire.
Agosto ngayong taon ng patawan ng 1.8 billion pesos na penalty ang MWSS, Maynilad at Manila Water dahil sa paglabag sa Philippine Clean Water Act of 2004.
“ ‘Yung fines and penalties po hindi pwedeng ipasa sa public kasi expressly prohibited na ipapasa ang nga fines and penalties ng dalawang concessionaire sa publiko,” sinabi ni Atty. Patrick Ty, Chief Regulator, MWSS.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: Manila Water, Maynilad, MWSS