Singil sa tubig, posibleng tumaas sa 2023 dahil sa mahinang Piso -MWSS

by Radyo La Verdad | September 29, 2022 (Thursday) | 10055

METRO MANILA – Ipinaliwanag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang epekto ng sunod-sunod na pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar sa magiging singil sa tubig sa susunod na taon.

Ayon kay MWSS Chief Regulator Atty. Patrick Ty, posibleng maramdamang ng mga consumer ang water rate hike sa January 2023.

Nakapaloob ito sa ginagawang rate rebasing ng mga water concessionaires o ang paraan upang matukoy kung magkanong halaga ang ipapataw nila sa mga consumer para sa kanilang serbisyo.

Bagaman ayon sa MWSS, ginagawan na nila ng solusyon upang hindi masyadong maramdaman ng consumers ang dagdag singil sa tubig.

Noong 2021 inalis na ng MWSS ang Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) sa water bill na iniisyu ng Manila Water at Maynilad.

Ibig sabihin, hindi na magkakaroon ng quarterly  adjustment sa rate ng tubig ang mga water concessionaire at sa halip ay ang pagkakaroon ng rate rebasing.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: , , ,