Singil ng PhilHealth, magtataas sa Hunyo

by Radyo La Verdad | May 6, 2022 (Friday) | 10165

METRO MANILA – Alinsunod sa Universal Health Care Law magtataas ng premium rate ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa buwan ng Hunyo.

Mula sa dating 3% na singil sa premium rate ng contribution, itataas na ito sa 4% na magsisimula pagpasok ng Hunyo.

Two percent ay babayaran ng empleyado habang sasagutin naman ng employer ang natitirang 2 porsyento.

Ibig sabihin, mula sa P300 magiging P400 na huhulugang PhilHealth contribution ng isang empleyado na kumikita ng P10,000 kada buwan.

Katumbas ito ng 4,800 na annual premium mula sa dating singil na nasa P3,600 pa lamang.

Para naman sa mga miyembrong sumasahod ng hanggang 80,000 kada buwan, aabot sa P3,200 ang magiging monthly contribution ng mga ito na katumbas naman ng 38,400 sa isang taon.

Hindi mapigilan na sumama ang loob ng ilang Hhilhealth members, matapos na mabalitaan ang ipatutupad na dagdag kontribusyon.

Noong 2021 ay sinuspindi ng PhilHealth ang kanilang hike contributions sa mga miyembro nito upang makabawas na rin sa hirap na pasan ng mga kababayan natin na lubhang naapektuhan ng pandemya.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: