Shell at Chevron tiniyak na tatapusin ang pagtanggal sa kanilang mga storage facility sa Pandacan sa Nobyembre

by Radyo La Verdad | August 17, 2015 (Monday) | 1801

ESTRADA
Nag-ikot si Manila Mayor Joseph Estrada sa Pandacan Oil Depot upang inspeksyunin ang pag-aalis ng big 3 oil companies sa kanilang mga storage facilities.

Unang pinuntahan ni Estrada ang oil depot ng shell, kasunod ang Chevron at Petron.

Ayon kay Pilipinas Shell Country Chairman Ed Chua sa ngayon tatlo na sa 14 na malalaking tangke ng Shell ang naalis na.

Bukod sa mga storage facility aalisin din ang iba pang pasilidad.

Ayon kay Chua, kakayanin na matapos ang pag aalis ng lahat ng mga tangke hanggang sa Nobyembre.

Ngunit mas mamahal ang gastos ng pagdadala ng kanilang oil products sa Metro Manila dahil manggagaling ito ng Batangas bukod pa sa problema sa trapik.

Wala naman ibinigay na katiyakan si Chua kung walang magiging epekto sa retail price ng kanilang produktong petrolyo ang paglilipat ng oil depot sa labas ng Metro Manila.

Gayunpaman, sinabi ni Chua na ligtas ang kanilang mga pasilidad sa Pandacan.

Sa panig naman ng Petron ayon kay Ramon Ang, President and CEO ng Petron Corporation, nai-alis na ang kanilang mga tangke.

Nagkaskas pa ito ng posporo kanina upang patunayang ligtas na ang lugar.

Kailangan na lamang alisin ang mga natitirang kagamitan.

Siniguro naman ni Ang,na walang epekto sa retail price ng kanilang oil products ang pag aalis ng kanilang storage facility sa Pandacan dahil maaga naman nila itong naisagawa.

Dinala na sa Bataan, Cavite at Navotas ang storage facilities ng Petron

Balak naman ni Ang na gawing food complex ang mababakanteng lote.

Ayon kay Estrada nangako ang Chevron, na tatapusin nito ang pag aalis sa mga pasilidad sa Nobyembre.

Naunang ipinag utos ng Supreme Court ang paglilipat ng mga storage facilities ng big 3 oil companies sa Pandacan dahil sa panganib na dulot nito sa mga residente na malapit sa lugar.(Victor Cosare / UNTV News)

Tags: , ,