Hiling na House Arrest ni Cong. Gloria Arroyo, hinarang ng prosekusyon

by Radyo La Verdad | May 13, 2015 (Wednesday) | 4765

IMAGE__UNTV-News__PHOTOVILLE-International-__091912__Gloria-Arroyo

Tinutulan ng kampo ng prosekusyon ang hiling ni dating Presidente at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na masailalim sa House Arrest sa kanyang bahay sa La Vista subdivision sa Quezon City, o sa isa pa niyang bahay sa Lubao,Pampanga.

Ayon sa prosekusyon, walang merito ang hiling ni Arroyo at maituturing itong insulto sa Judicial system ng bansa.

Walang rin aniyang batas na nagpapahintulot sa isang akusado na masailalim sa house arrest lalo na’t ilang beses nang hindi pinagbigyan ng korte ang kanyang bail petition at demurrer to evidence.

Ayon pa sa prosekusyon, kung totoo ang paliwanag ni Arroyo na mas lumalala pa ang kanyang kundisyon ngayon, mas maigi na manatili ito sa isang medical facility kaysa sa isang bahay.

Hindi rin maaaring ihalintulad ni Arroyo ang kanyang sitwasyon kay Manila Mayor Joseph Estrada na sa Tanay Rizal na house arrest dahil hindi naman kinailangan nito ang close medical supervision.

At bagaman sa private property nanatili si Estrada, katabi naman nito ang PNP Camp Capinpin kaya’t naging madali ang pagbabantay dito.

Sa ngayon ay naka-hospital arrest pa sa Veterans Memorial Medical Center si Congresswoman Arroyo dahil sa kasong plunder dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office noong Presidente pa ito ng bansa. (Joyce Balancio /UNTV News )

Tags: , , ,