Seremonya ng pagbabalik ng mga armas at Decommissioning ng MILF combatants, inaasahang dadaluhan ni Pangulong Aquino

by Radyo La Verdad | June 15, 2015 (Monday) | 1221

LACIERDA
Isang simpleng seremonya ang isasagawa bukas sa Maguindanao para sa unang bahagi ng Decommissioning program ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.

Inaasahan ang pagdating ni Pangulong Benigno Aquino III sa nasabing pagtitipon.

Ayon sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, sa Old Provincial Capitol ng Sultan Kudarat isasagawa ang tinatawag na Ceremonial Turnover of Weapons and Decommissioning of the MILF combatants.

Isasagawa ng MILF ang registration at pagsasauli ng pitumput limang high- powered at crew –served weapons sa Independent Decommissioning Body.

Malaki naman ang gagampanan ng PNP sa naturang proseso.

145 na Bangsamoro Islamic Armed Forces Combatants ang irirehistro at ipo-proseso para sa kanilang pagbabalik bilang sibilyan.

Sa pahayag na inilabas ng Malakanyang, makatatanggap ang Decommissioned combatants ng Philhealth Card at 25 thousand pesos cash assistance kada indibidwal.

Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, mahalagang pangyayari ang isasagawa bukas kaugnay ng usapang pangkapayapaan ng pamahalaan, dahil bukod sa lalo itong nagdudulot ng pagtitiwala sa bawat isa, walang ibang Armed organization sa bansa na nagboluntaryo na isauli ang mga armas bilang bahagi ng Peace agreement.(Nel Maribojoc/UNTV News)

Tags: ,