Sentralisadong sistema sa pagkuha ng mga government documents, planong gawin sa mga tanggapan ng PhilPost

by Radyo La Verdad | November 21, 2017 (Tuesday) | 2147

Dalawang daan at limampung taon na ang Philippine Postal Corporation at nananatiling buhay pa rin ang pagseserbisyo nito sa publiko sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya lalo na sa pagpapadala ng mga mensahe.

Ayon kay Post Master General Joel Otarra, tuloy-tuloy pa rin sila sa pagpapadala ng mga sulat at package sa iba’t-ibang lugar sa bansa. Upang maingatan at masigurong makakarating sa tamang lugar ang mga sulat, nilalagyan ito ng mga barcodes.

May hybrid mails rin ang PhilPost para sa mga maramihang sulat kung saan ipapadala ang softcopy ng sulat sa PhilPost at sila na ang bahalang magprint at magpadala nito. Plano rin ng PhilPost na makipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology upang magkaroon na rin ng online transaction ang ahensiya.

Pero isa sa proyektong isinusulong ng PhilPost ay maging sentralisado na sa kanila ang pagkuha ng mga dokumento mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.

Sinisimulan ng ipatupad ang proyekto sa punong himpilan ng PhilPost at balak din itong gawin sa lahat ng kanilang tanggapan sa buong bansa.

Bukod sa NBI, may ugnayan na rin ang PhilPost sa SSS, PhilHealth at Philippine Statistics Auhority para sa birth certificate.

Target naman ng PhilPost na buksan muli ang 500 opisina nila na nagsara matapos malugi upang magamit sa proyekto.

 

( Rajel Adora / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,