Senator Trillanes, nagsumite ng apology letter kay Senator Cayetano kaugnay sa nangyaring di pagkakaunawaan noong nakaraang pagdinig sa Senado

by Radyo La Verdad | September 19, 2016 (Monday) | 2091

meryll_apology
Humingi na ng paumanhin si Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV kay Senator Alan Peter Cayetano sa pamamagitan ng isinumite nitong apology letter sa opisina ng senador.

Nakasaad sa sulat na ipinadala ni Sen.Trillanes kay Cayetano ang pag-amin na hindi naging maganda ang kanyang inasal sa kasagsagan ng pagdinig sa umano’y extra judicial killings sa ilalim ng Duterte Administration.

Sinabi rin nito na nadala lamang siya ng kanyang damdamin at emosyon sa hearing kaya nakapagsalita siya ng mga hindi maganda laban sa kapwa mambabatas.

Binigyan rin ni Senator Trillanes ng kopya ng liham sina Senate Committee on Justice Chair Senator Leila De Lima at Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.

Nagkasagutan ang dalawang senador nang hilingin ni Senator Trillanes na tumigil na si Senator Cayetano sa pagtatanong sa testigong si Edgar Matobato dahil sa napakahaba na ng oras na nakonsumo ni Cayetano samantalang hindi naman aniya ito miyembro ng komite ni Senator De Lima.

(Meryll Lopez / UNTV Correspondent)

Tags: , ,