Senator Trillanes, hiniling sa Korte Suprema na ipatigil ang K-12 program ng DepEd

by dennis | May 6, 2015 (Wednesday) | 2981
TRILLANES K12
(L to R) Magdalo Rep. Gary Alejano, Sen. Antonio Trillanes IV at Rep. Francisco Acedillo

Magiging pahirap umano sa mga estudyante, mga guro at mga magulang ang magiging kahihinantnan kung magpapatuloy ngayon ang K-12 program ng Department of Education.

Ito ang buod ng naging pahayag ni Sen. Antonio Trillanes IV sa isinagawang press conference kanina.

Ito ay kaugnay ng pagsusumite nila ng petition for preliminary injunction at temporary restraning order kaninang umaga sa Korte Suprema para sa naturang programa, kasama ang dalawang kongresista na kinatawan ng Magdalo partylist na sina Gary Alejano at Francisco Ashley Acedillo.

Layunin ng naturang petisyon na ipasuspinde ang implementasyon ng K-12 program sapagkat hindi pa umano handa ang pamahalaan upang ipatupad ito. Isa na dito ang kakulangan ng mga pasilidad ng mga eskwelahan na kakailanganin ng mga mag-aaral, at kawalan umano ng sapat na pag-aaral ng DepEd ukol sa magiging epekto nito sa mga sektor ng mahihirap tulad ng mga estudyante, guro at mga magulang.

Paliwanag ni Trillanes, dapat lamang ihinto ang K-12 sapagkat maraming mga state at private colleges ang mawawalan ng enrollees dahil sang-ayon sa K-12 Law ay maaari nang makapagtrabaho ang isang graduate ng K-12.

Kung kaya’t pangamba ng senador na baka mawalan ng trabaho ang maraming mga guro at non-teaching personnel dahil magiging kaunti na umano ang mga magtutuloy sa kolehiyo.

Sa halip aniya ay dapat na mas pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapataas sa sahod ng mga guro at maisaayos ang pasilidad ng mga eskwelahan.

Samantala ayon pa kay Trillanes ay hinihimok niya ang mga apektado ng K-12 program na makiisa sa kanilang isasagawang rally sa Sabado ng hapon, Mayo 9 sa Liwasang Bonifacio upang ipabatid kay Pang. Aquino at sa Korte Suprema ang kanilang hiling na ipatigil ang K-12 program. (Jerolf Acaba/UNTV Radio)

Tags: , , , ,