Tiniyak ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe na tututukan ang pagtalakay sa panukalang pagbibigay ng emergency power sa pangulo ng bansa upang solusyunan ang malalang trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Poe inindorso na sa kanyang komite ang mga panukala at nakahanda nya itong talakayin kasama ang Department of Transportation at mga stakeholder.
Ayon naman kay Senador JV Ejercito na vice chair ng Public Services Committee, pagkakataon na rin na magkaroon ng integral transport system reform.
Isa si Ejercito sa may-akda ng special power bill upang magkaroon ng transport manager na tututok sa traffic crisis oras na maipasa ang panukala.
Subalit ayon sa minorya, dapat na may mga kundisyon sa pagbibigay ng emergency power sa pangulo.
Halimbawa rito na ang mga gagawing kontrata ay maaring maisapubliko, batay na rin sa inilabas ng Malacañang na executive order ukol sa Freedom of Information.
Layunin nitong pangalagaan ang interes ng mamamayan at magkaroon ng safeguards provision upang di maabuso ang emergency power.
Nakahanda namang sumuporta si Senador Leila De Lima sa special power upang maresolba ang matinding trapiko basta magagarantiyahan na hindi mababalewala ang importansya ng bidding process.
(Bryan De Paz /UNTV Correspondent)
Tags: Sen. Grace Poe, Senate bills sa emergency power ng pangulo, Senate Committee on Public Services