Senado, target maipasa ang 2023 national budget bago matapos ang Nobyembre

by Radyo La Verdad | November 8, 2022 (Tuesday) | 8873

METRO MANILA – Bubuksan na sa plenaryo sa Senado ang deliberasyon para sa 2023 national budget ngayong Linggo.

Ngayong araw (Nov. 8), ihahain na ni Senate Finance Committee Chairperson Sonny Angara ang committee report na naglalaman ng bersyon ng Senado.

Simula naman bukas (Nov. 9), sisimulan na ang debate o interpelasyon sa panukalang pondo.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, target nilang maaprubahan ang bersyon ng Senado bago matapos ang Nobyembre.

Habang susubukan naman na matapos ang Bicameral conference at ang pagratipika sa pinal na bersyon sa unang Linggo ng Disyembre.

Ipinangako aniya nila kay Pangulong Bongbong Marcos na pinakamatagal na ang ikalawang Linggo ng Disyembre bago ito masumite upang mapirmahan bilang batas.

Pagdedebatihan din aniya sa plenaryo ang mga lumpsum allocations sa budget o yung mga bulto na halaga walang spesipikong detalye sa programang paglalaanan.

Kasunod ito ng napuna ni Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel na mahigit P480-B na lumpsum allocations sa 2023 national budget.

Hindi naman matiyak ni Zubiri kung magagalaw ang confidential at intelligence funds na una nang ipananawagan ni Pimentel na tapyasan at idagdag sa calamity fund para sa 2023 para mapaigting ang disaster response ng gobyerno.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: , ,