Sen. Villar, nais itaas sa P18 ang buying price ng NFA rice bilang tugon sa kakulangan sa buffer stock ng NFA

by Radyo La Verdad | February 28, 2018 (Wednesday) | 11842

Isinisi ng ilang mga senador kay National Food Authority (NFA) Administrator Jason Aquino ang biglaang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga palengke.

Sa pagdinig sa Senado kahapon, lumabas na mula nang magbigay umano ng pahayag si Aquino na kulang na ang buffer stocks ng NFA, sinamantala naman ito ng ibang traders na nagpanic upang magtaas ng presyo ng bigas.

Mula sa P27 kada kilo, pumalo umano sa P 42 per kilo ang bentahan ng bigas. Una nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na wala naman talagang rice shortage o kakulangan ng supply ng bigas sa bansa dahil ang kulang ay ang buffer stocks ng NFA.

Ito ang bagay na sinabi ng chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food na si Senator Cynthia Villar na hindi nilinaw ni Administrator Aquino.

Una ng sinabi ng NFA na tatagal na lamang ng halos dalawang araw ang kanilang buffer stocks. Nagresulta ito ng pansamantalang pagsuspinde ng pagbebenta ng mabibiling NFA rice sa ilang palengke sa bansa.

Sinabi naman ni Aquino na Marso pa noong nakaraang taon ay inirekomenda na nilang mag-angkat ng bigas upang punan ang  imbak na bigas ng NFA na dapat ay tatagal ng 15 araw, pero hindi ito inaprubahan agad ng NFA Council.

Dahil ayon  sa Department of Agriculture, may 96% rice sufficiency ang Pilipinas at may projected 3-M metric tons na buffer stock ang bansa sa pagtatapos ng unang quarter ng taon kung saan panahon na ng anihan.

Kaya naman anila, ang inaprubahan ni Pangulong Duterte na pag-aangkat ng bigas ay sa Hunyo pa kung saan naka-ani na ang mga magsasaka.

Samantala, iminungkahi naman sa pagdinig na taasan ang buying price o ang pagbili ng NFA sa mga magsasaka ng bigas upang mas dumami ang imbak na bigas ng NFA.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , , ,