Sen. Trillanes, magre-resign bilang senador kapag mas mataas ang nakuha ni Pres. Duterte sa IQ test

by Radyo La Verdad | August 29, 2018 (Wednesday) | 6955

Hinamon ni Senator Antonio Trillanes IV si Pangulong Rodrigo Duterte na sumailalim sa intelligence quotient (IQ) test.

Sa kanyang twitter post, sinabi ng senador na magbibitiw siya bilang senador kapag nakakuha ng mas mataas na score sa kanya ang Pangulo.

Ayon pa kay Trillanes, si Pangulong Duterte ang mahina ang kokote dahil wala na umanong maisip na solusyon sa mga problema ng bayan.

Ang pahayag na ito ng mambabatas ay sagot sa sinabi ng punong ehekutibo na mababa raw ang kanyang IQ.

Sinabi ito ni Pangulong Duterte noong Lunes nang hingan ng reaksyon sa mga ipinupukol sa kanya ng mga kritiko kaugnay sa pagtatalaga niya kay Chief Justice Teresita De Castro.

Ngunit noong Biyernes, nauna nang naglabas ng pahayag ukol sa Presidente si Trillanes. Sa kanyang twitter post, sinabi niya na kung may sakit ang Pangulo, magpa-ospital siya. kung wala naman ay magtrabaho siya.

Aniya, ang Pangulo raw ang “laziest, craziest at worst President” ng Pilipinas.

Samantala, hindi naman pinatulan ng Malacañang ang hamon ni Senator Trillanes na sabay silang sumailalim sa IQ test ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, premature pa ang IQ test at sa halip ay dapat muna aniyang sumailalim ang senador sa isang psych test.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,