Sen. Poe personal na humarap sa pagdinig ng Comelec ukol sa disqualification case na inihain ni Atty Elamparo

by Radyo La Verdad | November 11, 2015 (Wednesday) | 1965

POE
Hindi pinayagan ng Commision on Election 2nd Division na makapasok sa loob ng session hall ng Comelec ang mga cameraman at photo journalist sa hearing ukol sa disqualification case ni Senador Grace Poe.

Tulad ng pangako ni Poe, nagtungo siya sa Comelec at nagkaharap sila ni Atty. Estrella Elamparo ang isa sa naghain ng petisyon laban sa kanya.

Nagtipon din sa labas ng Comelec ang mga supporter ni Senador Poe.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez tanging mga reporter lamang ang pinayagang makapasok sa loob ng session hall

Sa pagdinig ngayon martes, sinabi ni Atty Elamparo na hindi maaring basehan ni Poe ang mga international law sa kanyang sa citizenship issue, dahil wala pa sa mga ito ang naratipikahan ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Elamparo hindi kwalipikado ang senadora sa Republic Act 9225 o Citizenship Retention and Reacquisition Act of 2003.

Dito nakasaad na ang natural-born citizens ng Pilipinas na naging mamamayan ng ibang bansa ay hindi maaring mawala ang kanyang Philippine citizenship.

Dahil kwestionable ang pagiging natural born ng senadora, giit ni Elamparo na void at walang epekto ang re-acquisition ni Poe sa filipino citizenship

Paliwanag naman ng abogado sa kanyang pagkwestyon sa kakulangan ng residency requirement ng senador

“Kung ang kandidato mismo ang sinasabi nya nagsimula akong maging residente ng pilipinas six years and six months prior to the May 2013 elections binilang nga natin yan around September 2010 eh sino ba naman tayo para magsabi na hindi yun ang intensyon nya, sinasabi nya nagkamali daw sya nung magfile sya ng certificate of candidacy noong 2013 pero kung iyon ay isang pagkakamali at honest mistake bakit hindi nya inamend bakit hindi nya binago.” Pahayag ni Elamparo

May sagot naman dito ang kampo ni Senador Poe.

“Yung 2012 po yung ginawa nya yung pagkakamali na yun hindi po nya alam na mali po ang computation nya binase po nya kasi yun sa March, April 2006 noong bumalik uli sya ng isa pang balik sa Pilipinas, hindi nya po yun naibase sa unang pagbalik nya dito na inenroll na nya yung mga anak nya bumili sila ng isang lote, bumili sila ng isang condo, naghanap sila ng buyer sa Amerika ng bahay nila.” pahayag ni Atty. George Erwin Garcia, abogado ni Senador Poe.

Dagdag pa ng kampo ni poe, honest mistake ang nagawa ng senadora.

Sa kabila naman ng mga sunod-sunod na diskwalipikasyon kuntento naman si Senador Poe sa kinalabasan ng unang araw ng pagdinig sa kaso laban sa kanya. (Bryan de Paz/UNTV News)

Tags: , , ,