Sen. Poe ikinatuwa ang paborableng desisyon ng Senate Electoral Tribunal

by Radyo La Verdad | November 17, 2015 (Tuesday) | 1442

SET
Nakahinga ng maluwag si Senador Grace Poe matapos na bumoto pabor sa kanya ang limang miyembro ng Senate Electoral Tribunal.

“Ako po’y nagpapasalamat sa mga pumuli ng hustisya at pumili kung ano ang karapat dapat para sa karapatan ng ating mga botante at lalong lalo na para sa mga batang inabandona at naiwan dahil sa inyo nagkaroon kami ng lakas, nagkaroon kami ng estado dito sa ating bayan, maraming salamat sa ating mga kasama lalong-lalo na kay Senator Tito Sotto, kay Senator Loren Legarda, Senator Pia Cayetano, Senator Bam Aquino at syempre Senator Cynthia Villar.” pahayag ni Poe

Ayon kay Poe, sinabi niya sa kanyang ina na si Susan Roces na tanggapin anuman ang maging desisyon ng SET sa kanyang kaso.

Sinabi ni Poe na ang desisyon ng SET ay pagbibigay hustisya na rin sa mga inabandonang mga bata sa bansa.

Nag-ikot sa ilang unibersidad sa Laguna ngayong martes sina Senador Poe at running mate na si Senador Chiz Escudero kasama ang ilang Senatorial candidate na sina Congressman Sammy Pagdilao, Win Gatchalian, Roman Romulo at Atty. Lorna Kapunan

Ayon kay Poe hindi nya ito personal na panalo kundi ng mga foundling at ng buong bansa.

Bago inilabas ang desisyon naging madamdamin si Senator Poe ng tanungin sakaling idiskuwalipika siya ng SET.

Ayon naman sa abogado ni Senator Poe na si Atty. George Erwin Garcia nais nilang ibahagi ang panalo sa libo-libong filipino foundlings.

Naniniwala si Poe na ito ang pasimula ng pagsulong ng kanyang kandidatura bilang pangulo sa 2016.

Ngunit di pa dito nagtatapos ang laban ng senador dahil may nakabinibin pa itong disqualification case sa Commission on Election. (Bryan de Paz/UNTV News)

Tags: ,