Ngayong linggo tiniyak ng palasyo ng Malacanang na ilalabas na ang executive order kaugnay sa Freedom of Information.
Layon nitong atasan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na maging bukas ang kanilang libro sa publiko sa mga transaksyon o proyekto na pinapasok nito.
Ayon naman kay Senador Koko Pimentel, mas maiging may batas ang bansa sa FOI upang masaklaw nito ang lahat ng tatlong sangay ng pamahalaan.
Para sa senador isang welcome development ang planong pagpapalabas ng EO ng palasyo upang patunayan ang kanilang layunin na labanan ang korupsyon.
Ayon naman kay Senador Franklin Drilon, prerogative ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng EO na kahalintulad ng FOI Bill.
Sinabi ni Drilon wala namang problema kung maghain ng FOI Bill ang kongreso upang gawing ganap na batas ito.
Maari ring ilagay ng kongreso sa probisyon ng FOI Bill ang mga hindi naman nailagay sa EO ng palasyo ng Malakanyang.
Sa Senado kabilang sina Senators Grace Poe at Alan Peter Cayetano sa muling nagsulong ng Freedom of Information Bill.
Umaasa naman si Senador Grace Poe na magiging klaro ang isyu ng privacy at transparency sa binabalangkas na executive order ng palasyo sa FOI upang maiwasan ang pag abuso sa magkabilang panig.
(Bryan de Paz/UNTV Radio)