Nakatakda ngayong hapon sa Malacañang ang conferment o paggagawad ng Quezon Service Cross sa dating senador na si Miriam Defensor Santiago.
Si Pangulong Rodrigo Duterte ang mismong mangunguna rito.
Ang Quezon Service Cross o Medalyang Quezon ayon sa Official Gazette ng Philippine Government ang pinakamataas na parangal ng Republika para sa isang indibidwal para sa paglilingkod-bayan.
Ang Pangulo mismo ng bansa ang nagbibigay ng nominasyon at kailangang aprubahan ng Kongreso kaya itinuturing na natatanging parangal ang Quezon Service Cross.
Ni-nominate ni Pangulong Duterte ang namapayang senador noong nakalipas na taon para sa naturang award matapos na maghain ng resolusyon sina Senador Grace Poe at Sonny Angara hinggil dito.
Mula nang pasimulan ang Quezon Service Cross noong 1946, limang tao pa lang ang nagawaran nito.
Ang mga dating Pangulo na sina Carlos Romulo, Emilio Aguinaldo, Ramon Magsaysay, Benigno Aquino Jr. at ang pinakahuli ay ang dating Interior Secretary Jesse Robredo.
Si Santiago ay limang dekadang nanilbihan bilang public servant.
Taong 2016 nang muli itong tumakbo sa pagkapangulo subalit natalo kay Pangulong Duterte.
Bago maging pulitiko, naging presiding judge ito sa Quezon City Regional Trial Court, Immigration commissioner at kalihim ng Agrarian Reform.
Pumanaw si Santiago noong Setyembre 2017 dahil sa lung cancer.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )