Naghahanda na si Sen. Leila de Lima sa posibilidad na ipaaresto siya anomang oras na maglabas ng resolusyon ang Department of Justice sa mga reklamo patungkol sa umanoy pagiging protektor niya ng sindikato ng droga sa bansa.
Sa kabila nito, pinanindigan ng senadora ang nakalap na impormasyon na minamadali na ng DOJ na masampahan na siya ng kaso upang makakuha agad ng warrant of arrest.
Ayon naman kay senate president pro-tempore franklin Drilon, maaari lang arestuhin si Sen. De Lima kung ang kasong isasampa ay may katumbas na parusang mas mataas sa anim na taon.
Ngunit base sa tradition ng Senado, hindi pa rin basta-basta maaaring ipaaresto ang isang senador.
Ayon naman kay Majority Floor Leader Vicente Sotto III, Chairperson ng Ethics Committee, hindi maapektuhan ng ibang kaso ni De Lima ang ethics complaint na nakabinbin naman sa kanyang komite.
Katunayan, bago matapos ang buwan na ito ay nilalayon na rin nilang desisyunan ang mga reklamo matapos maghain si De Lima ng sagot sa mga ito.
Samantala, sinabi naman ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na maituturing aniyang iresponsable at malaking kasinungalingan ang sinabi ni De Lima na minamadali nila ang pag-aresto sa kanya.
Pinapalabas aniya ng senadora na kontrolado o may impluwensiya ang DOJ sa mga korte, na hindi naman nangyayari sa termino ni Aguirre bilang kalihim.
Sinabi naman ng De Lima na inihahanda na rin niya ang mga ihahain na kaso sa Ombudsman laban kay Secretary Aguirre tulad ng subornation of perjury at tampering of witness kaugnay sa umanoy pagpahintulot nito na ibalik ang ilang special privileges sa ilang mga preso ng Bilibid, katulad ng access sa communication gadgets at marangyang buhay sa loob na piitan, kapalit ng pagtestigo laban sa kanya.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: naghahanda sa posibilidad na ipaaresto anomang oras dahil sa mga kaso patungkol sa droga, Sen. Leila De Lima