Resolusyon ng Inter-Parliamentary Union sa kaso nina Sen. Leila De Lima at Antonio Trillanes, kinundena ng Malacañang

by Radyo La Verdad | October 23, 2018 (Tuesday) | 21700

Panghihimasok sa domestic affairs ng bansa – ito ang reaksyon ng Malacañang sa inilabas ng resolusyon ng Inter-Parliamentary Union (IPU) sa 139th assembly nito sa Geneva, Switzerland.

Ang IPU ay isang global organization ng mga national parliaments.

Sa resolusyon ng IPU, magpapadala umano sila ng official mission sa Pilipinas upang magsiyasat hinggil sa umano’y political persecutions laban kina Senador Leila De Lima at Senador Antonio Trillanes IV.

Ayon sa IPU, dapat na umanong palayain mula sa kaniyang pagkaka-ditene si De Lima at ihinto ang legal proceedings laban sa kaniya dahil sa kakulangan ng ebidensya at ganti lang umano ito sa kanyang vocal opposition laban kay Pangulong Duterte.

Nagpahayag naman ng pagkabahala ang IPU sa posibleng pagbuhay ng kasong rebelyon at kudeta laban kay Trillanes at sa posibilidad na maaresto itong muli.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, ang mga pahayag na ito ng IPU ay panibagong atake at paninirang puri sa legal na proseso ng bansa.

Bukod sa inilalagay sa kahihiyan umano ang bansa sa global community, one-sided din umano ang evaluation ng IPU at nakikialam sa ating sovereignty.

Bagaman isinusulong umano ng IPU ang pagsunod sa rule of law at due process, ani Panelo, hindi naman iginagalang ng mga ito ang proseso ng mga hukuman sa Pilipinas.

Bagkus, gumawa na ito ng conclusion nang hindi man lang umano kinukuha ang pahayag ng Philippine government.

Sa isang panayam, iginiit ni Panelo na hindi welcome ang IPU kung bibisita ito sa bansa dahil manggugulo lang sila aniya sila sa Pilipinas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,