Sen. Leila de Lima, inakusahan ang DOJ na minamadali ang pag-aresto sa kanya

by Radyo La Verdad | February 8, 2017 (Wednesday) | 1183


Nakatanggap ng impormasyon si Sen. Leila de Lima mula mismo umano sa loob ng Department of Justice na gustong madaliin ang pagsasampa ng mga kaso laban sa kanya.

Ito aniya ay sa pamamagitan ng mabilisang pagresolba sa apat na reklamong inihain sa DOJ kaugnay sa pagkakadawit sa Bilibid drug trade.

Dismayado naman ang senadora dahil hanggang ngayon ay wala pa rin inilalabas na Temporary Restraining Order ang Court of Appeals upang ipatigil ang ginagawang imbestigasyon sa kanya.

Aniya, dapat ang Office of the Ombudsman at hindi DOJ ang magsagawa ng preliminary investigation dahil ito ang may hurisdiksyon sa kanya.

Gayunman kung sakaling mapaaresto siya, handa umano siyang sumailalim sa proseso ng hukuman.

Inihahanda naman ang senadora ng criminal at administrative charges na isasampa kay Justice Secretary Aguirre sa Office of the Ombudsman dahil umano sa pagbibigay nito ng access sa communication gadgets ng ilang high profile inmates kapalit ng pagtestigo laban sa kanya.

Pareho namang itinanggi ni Sec. Aguirre ang mga alegasyon ni Sen. de lima laban sa kanya.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: ,