Sen. Leila de Lima, hiniling sa Muntinlupa RTC na i-dismiss ang kanyang drugs cases

by Radyo La Verdad | February 21, 2017 (Tuesday) | 1776


Tatlong magkakaibang sangay ng Muntinlupa City RTC ang hahawak sa mga kasong isinampa kay senador leila de lima kaugnay ng umano’y pagtanggap niyang pera mula sa mga drug lord sa New Bilibid Prison.

Napunta ang unang kaso kay Presiding Judge Juanita Guerrero ng branch 204; hahawakan ni Acting Presiding Judge Amelia Fabros ng branch 205 ang ikalawa at ang pangatlo ay napunta naman kay Presiding Judge Patria Manalastas-De Leon ng branch 206.

Ngunit pagkatapos ng raffle, agad naghain ng motion to quash ang kampo ni de Lima at hiniling na madismiss ang dalawa sa mga kaso dahil wala umanong jurisdiction dito ang RTC.

Katwiran ng kampo ng senadora, nangyari ang mga akusasyon noong siya pa ang justice secretary kayat kung sakali mang may kaso laban sa kanya, dapat itong isampa sa sandiganbayan.

Naghain din ng omnibus motion para sa isa pang kaso si de Lima at hiniling na magkaroon muna ng judicial determination of probable cause at ipagpaliban ang pag-isyu ng arrest warrant laban sa kanya.

Giit ng kampo nito, walang ebidensiya ang kaso bukod pa sa walang personal na kaalaman sa kanyang mga akusasyon ang inmate na si Peter Co.

Hiniling ni de Lima na dinggin ang kanyang mga mosyon sa Biyernes ng umaga.

Samantala, nagtipon tipon naman sa harap ng Muntinlupa RTC ang ilang supporters ni de Lima upang ipanawagan na madismiss ang mga kaso.

Nanawagan naman ang VACC na dapat ikulong ang senadora sa ordinaryong piitan.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,