Sen. Leila de Lima, handang harapin si Kerwin Espinosa sa Senate hearing bukas

by Radyo La Verdad | November 22, 2016 (Tuesday) | 1623

joyce_de-lima
Ihaharap na bukas si Kerwin Espinosa sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa pagkakapatay sa kanyang ama na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Bilang miyembro ng Senate Justice Committee, dadalo si Sen. Leila de Lima sa hearing kahit malakas ang kutob niyang ididiin siya ni Kerwin bilang protektor ng sindikato ng droga sa bansa.

Paniwala ng senadora, bahagi ng plano ng kanyang mga kritiko ang paglalarawan sa kanya bilang pinakamalaking narco-politician sa bansa.

Payo naman ni Public Order and Dangerous Drugs Committee Chairman Sen. Panfilo Lacson kay Sen. de Lima na ihanda ang kanyang sarili lalo’t direkta siyang pinangalanan ni espinosa sa kanyang draft affidavit.

Binanggit din aniya ni Kerwin ang ugnayan nila ni Ronnie Dayan na umano’y bagman ni de Lima ng drug money mula sa Bilibid.

Nasa affidavit rin umano ni Kerwin na kabilang sa mga tumatanggap ng payola sa kanya ang mga pulis na nakapatay sa kanyang ama.

Naniniwala si Lacson na mahalaga ang mga sasabihin ni Kerwin bukas upang patunayan kung totoo o hindi ang affidavit ng kanyang ama.

Samantala, bagaman nasa kustodiya na ng otoridad si Ronnie Dayan ay hindi pa siya agad ihaharap sa pagdinig bukas at maaaring imbitahan na lang sa mga susunod na senate hearing.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,