Aminado si Senator Alan Peter Cayetano na may hindi sila pagkakaunawaan ni Senator Koko Pimentel pagdating sa paraan ng pagkuha ng suporta para Senate Presidency.
Ito ang sinabi ni Cayetano sa isang ambush interview kagabi sa Davao City kung saan ayon sa senador, makikipagdayalogo siya kay Pimentel sa usapin na ito.
Sina Cayetano at Pimentel na mga kaalyado ni President-elect Rodrigo Duterte ay parehong humihikayat ng suporta sa kanilang mga kapwa senador upang makuha ang Senate Presidency sa pagbubukas ng 17th Congress sa July 25.
Ayon kay Cayetano, mahalaga ring mapagusapan nila ni Pimentel ang usapin ng chairmanship sa mga komite ng senado upang matiyak na hindi mahahadlangan ang mga isinusulong na programa at panukalang batas ni Duterte.
Tumanggi naman munang magbigay ng detalye ang senador kaugnay ng bilang ng mga sumusuporta sa kaniya.
Kaugnay naman ng pagpupulong nina Senator Bongbong Marcos at Duterte sa Davao City, ayon kay Cayetano wala namang ini-offer na posisyon sa gabinete si Duterte kay Marcos.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: magdadayalogo, Sen. Koko Pimentel, Sen. Peter Cayetano, Senate Presidency